Tala sa Kasaysayan ng Bayan ng Perez

Ang Perez, Quezon ay isa sa mga bayang bumubuo sa Isla ng Alabat. Ito ay nabibilang sa ika-5 klaseng bayan ng lalawigan ng Quezon na binubuo ng 14 na barangay: Maabot, Mainit Norte, Mainit sur, Pambuhan, Pinagtubigan Este, Pinagtubigan Weste, Pagkakaisa Pob. (Barangay 1), Mapagmahal Pob. (Barangay 2), Bagong Pag-asa Pob., Bagong Silang Poblacion, Rizal, Sangirin, Villamanzano Norte at Villamanzano Sur.

Ang bayang ito ay nakilala noong una sa tawag na SANGIRIN, salitang nagmula sa “isa” at “hirin”. Ayon sa pinagmulan nito, ang lugar na ito ay pinamamayanan ng nagtatag sa lugar na ito sa pangunguna ni G. aniceto Manlogon at mga Ayta.

Sa paninirahan nila sa lugar na ito na noon ay sinimulan nilang linisin at gawing munting pamayanan ay tinawag nilang “PINAGBAYANAN”  na pinagsimulan ng pagdami ng taong naninirahan dito. Sa kanilang paglilinis sa lugar na ito ay nagkataong may isang sundalong Kastila ang kumakain ng kanyang panaghalian na nahirinan o nabulunan. Ito ang nasaksihan ng isang mamamayan sa lugar at sumigaw ito na “isang hirin”. Nagkataon na ang kasamahan ng sundalo ay nagtatanong kung ano ang tawag sa lugar na iyon. Dahil sa hindi pagkakaunawaan ay inakala ng napagtanungan na humihingi ng tulong dahil sa sundalong nahirinan kaya sinabi niya na “isang hirin” o “Sangirin”. Mula noon ay tinawag na Sangirin ang lugar sa Pinagbayanan.

Nagmula sa bayan ng Mauban, Tayabas ang mga unang naninirahan sa bayan-bayanan ng Sangirin. Dahil sa mabantog ang lugar na mayaman sa lupang sakahin at yamang-dagat ay nahikayat ang ilang mamamayan na tuluyang mamuhay sa lugar na ito ng Sangirin hanggang maging sakop ito ng pamahalaan ng Mauban, Tayabas na halos malapit lamang ang isala ng Cagbalete.

Sa pagdami ng naninirahan ay nagtayo ng isang maliit na kapilya kung saan isinagawa ang unang misa sa pamamagitan ni Fr. Gregorio Alma na maraming naitulong sa pag-unlad sa aspetong pangagrikultura.

Dahil sa pandarambong at pag-atake ng mga “Moro”, napilitan ang mga mamamayang lumikas at humanap ng mas ligtas na lugar na tinawag namang “Poblacion”.

Noong 1884 ay inalis na sa pamamahala ng Mauban, Tayabas ang Sangirin at inilipat sa bayan ng Alabat, Tayabas dahil mas malapit dito ang Sangirin.

Namuno sa bayan-bayanang ito si Kapitan Felix Almadrones. Noong 1886, pinasok ng mga bandidong kasaderos ang baryo ng Sangirin kung kaya namundok ang mga taong naninirahan dito dahil sa matinding takot. Ilan naman ay nakipaglaban subalit nasawi din dahil sa kakulangan sa bilang.

Nagsimulang umunlad ang pamayanan nang magkaroon ng mga paaralan at paglawak ng panirahan kaya may grupo ng mga mamamayan na may sibikong kaisipan na naghangad na ang baryo ng Sangirin ay maging isang independyenteng munisipalidad, kaya nagsumite ng petisyon kay Gobernador Felimon Perez, punong panlalawigan, upang mapahiwalay na ang bayan sa Alabat. Naging aktibo and ilang prominenteng mamamayan ng Sangirin na sina Fortunato Almadrones, Esteban Alpay, Lope Diasanta, Joaquin Villabroza, Francisco Refazo, Placido De los Reyes, Doroteo Felizco, Briccio Grimares at marami pang iba upang maialis sa Alabat ang pamamahala. Si Fortunato Almadrones ang naging kauna-unahang namuno bilang presidente ng pamayanan.

Sa pamamagitan nina Gob. Felimon Perez at Gob. Leon Guinto ay tuluyang naging malayang bayan ang munisipalidad noong 1929. Bilang pasasalamat kay Gob. Perez, isinunod sa pangalan niya ang bayang ito na hanggang ngayon ay tinatawag na Perez.

Dahil hindi matukoy ang tunay na araw ng pagkakatatag sa bayan ng Perez ay nagpasa ng Kautusang Pambayan Blg. 2016-04 na nagtatakda na ang ika-11 ng Hunyo 1929 ay maging opisyal na araw ng pagkakatatag ng Pamahalaang bayan ng Perez. Isinumite ito sa Sangguniang Panlalawigan upang pag-aralan at pagtibayin, subalit lumipas ang 30 araw na walang aksyon ang nasabing kahilingan ukol sa pagkakatatag sa bayan ng Perez dahil nasusulat sa Batas Republika 7160 (Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991) Sec. 56 Letter D na kung walang askyon ang pinatungkulang sanggunian ay ipinagpapagay na ito ay lehitimo at may bisa. Nakapaloob sa nasabing kautusan na dapat padalhan ng sipi ang proklamasyon galing sa pangulo. Sa kabutihang palad ay nagpadala ng kasagutan sa kahilingan mula kay Maria Serena I. Diokno, Chairman ng National Historical Commission of the Philippines na hindi na pwedeng magkaroon ng isang pang proklamasyon sa pagkakatatag sa bayan ng Perez sapagkat may-roon pang umiiral na Executive Order No. 208 na may petsang ika-30 ng Setyembre, 1929 mula kay Gobernador Heneral Dwight F. Davis. Nasasaad sa kasulatang ito sa wikang Kastila at English na kung saan ang mga naninirahan sa mga bario ng Rizal, Maabot, Mainit Norte, Mainit Sur, Pinagtubigan Este, Pinagtubigan Weste, Villamanzano Sur, Villamanzano Norte at Pambuhan na mapahiwalay sa bayan ng Alabat at maging isang malayang bayan sa pangalang Sangirin na magkakabisa noong ika-1 ng Nobyembre 1929. Subalit bago sumapit ang petsang ito ay inihayag ang Executive Order No. 213 na nagsasaad na ang bayan ng Sangirin ay papalitan ng pangalan ng “Perez” na nagkabisa noong ika-14 ng Oktubre 1929.

Ito na ang naging opisyal na pagkakatatag ng bayan ng Perez na dahil sa pagsusumikap ni Vice Mayor Roberto R. Buerano na noon ay isang konsehal na siyang patnugot ng KAUTUSANG PAMBAYAN BLG. 206-04 ay naging daan ng pagkaroon ng pagwawasto sa tunay na pagkakatatag ng Perez, Tayabay(ngayon ay lalawigan ng Quezon).

Sa kasulukuyan ay patuloy ang pag-unlad ng bayan ng Perez, Quezon na isang simpleng byan na may mga mamamayang may simpleng buhay na patuloy na nagsusumikap at nagpupunyagi.

Halaw: Archive ng Munisipyo ng Perez

Isinalin nina: Liliosa B. Diasanta

Melchora A. buerano